Isang South Korean na pinaghahanap sa kaniyang bansa dahil sa umano'y operasyon ng ilegal na sugal na kinasasangkutan ng mga hindi awtorisadong online game server na pinatatakbo sa Pilipinas ang nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI).
Sa inilabas na pahayag ng BI, sinabing nadakip ang 41-anyos na dayuhan noong Oktubre 13 sa Barangay Western Bicutan, Taguig City.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng kahilingan ng pamahalaan ng South Korea na ipa-deport ang lalaki upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa kanilang bansa, ayon sa BI.
Iniulat ding saklaw siya ng isang Interpol Red Notice.
Batay sa impormasyong ibinigay ng Embahada ng South Korea, naglabas ng warrant of arrest laban sa lalaki ang Busan District Court noong Enero 15, 2026, matapos siyang kasuhan ng paglabag sa Game Industry Promotion Act ng South Korea.
Ayon sa mga awtoridad ng South Korea, simula Enero 2019, minanipula umano ng lalaki at ng kaniyang mga kasabwat ang isang interface adapter upang magpatakbo ng tatlong hindi awtorisadong online game server sa Angeles City, Pampanga.
Kumita umano sila sa ilegal na paraan sa pamamagitan ng pagbebenta kapalit ng pera ng virtual currency na ginagamit sa mga laro.
Ayon sa BI, lumitaw sa kanilang mga rekord na nag-overstay ang dayuhan sa Pilipinas dahil hindi na siya umalis ng bansa mula nang dumating noong Hulyo 26, 2018.
Idinagdag ng BI na kasama na rin siya sa blacklist nito mula Agosto 2019 bilang isang pugante na pinaghahanap ng batas.
Kasalukuyang nakakulong ang South Korean sa pasilidad ng detensiyon ng BI sa Taguig City habang hinihintay ang pinal na desisyon sa proseso ng deportasyon laban sa kanya.— FRJ GMA News

