Larawan ng masayang new mom si Alice Dixson dahil sa pagdating ng kaniyang baby sa pamamagitan ng surrogacy.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel, sinabing sa panayam nina Suzy Entrata-Abrera at Lyn Ching sa "Unang Hirit," inihayag ni Alice na 10 years ago o 42-anyos siya nang magpasya siyang ipa-freeze ang kaniyang "egg" bilang paghahanda sakaling gusto na niyang magkaanak.

"41 pa lang ako when I was thinking about it. Kasi when I was in Canada, nakapanood ako ng video about...uso noon ang egg freezing," kuwento niya.

"When I came to the Philippines, I had my divorce and I decided that I still wanna have a baby. Pero paano ko gagawin 'yun wala na akong asawa?" patuloy niya.

Kaya daw naisipan ng "Legal Wives" actress na kung sakaling dumating ang "right" person para sa kaniya at mayroon siyang frozen egg at puwede pa rin silang makabuo ng pamilya.

Nitong Abril, nagkaroon ng katuparan ang plano at hinahangad na pamilya ni Alice nang dumating na ang kaniyang baby sa pamamagitan ng surrogacy, o ipinagbuntis ng ibang babae.

"Nung first time ko makita si Baby A — wala kasi siya eh, andito pa ako sa Pilipinas. Biglang nag-rush, nagmadali ako kumuha ng airplane ticket," ayon pa sa aktres.

"Nakita ko muna siya on video, and of course iba ‘yung makikita mo siya in person, mahawakan mo. And ‘yung time na nakapasok ako sa hospital siyempre, I couldn't believe na para akong my dreams that finally came true," patuloy niya.

Sa susunod na linggo, turning 52 na si Alice na kinikilalang isa sa mga may ageless beauty.

Nang tanungin kung ano ang secret para manatiling young looking, natatawang sabi ng aktres, "If you keep a smile on your face kahit may edad ka na hindi masyadong halata na may edad ka." — FRJ, GMA News