Diretsahang sinagot ng 71-anyos na si Gina Pareño kung may plano na siyang mag-lie low at iwan ang showbiz industry.

“Ayaw ko. Basta ako, go nang go. Gusto ko umarte nang umarte,” sabi ng beteranang aktres sa panayam sa kaniya sa "Tunay Na Buhay."

Katunayan, tatlong pelikula raw ang natapos ni Gina noong nakaraang buwan sa kabila ng pandemya, kaya inaasahang makaka-anim na pelikula siya ngayong taon.

"Maski paano, nailawan ako, tuwa na ako. At saka, at least may inaasahan kang makakaarte ka," sabi ni Gina.

Inihayag ni Gina na nakaranas na rin siya ng mga pagsubok.

"Pero sumasampalataya ako kay Lord na hindi kami pababayaan."

"Mahalin mo 'yung trabahong ibinigay sa'yo ng Panginoon. Mahalin mo ang sarili mo, pero huwag ka namang napakayabang, kundi bigay ni Lord 'yon. Mag-thank you tayo palagi. Maging mabait kayo sa mga tao," sabi ni Gina tungkol sa kaniyang aral ng tunay na buhay. —LBG, GMA News