Kahit na maging matagumpay na siya sa hinaharap, plano pa rin daw suklian ni Kiray Celis ng pagmamahal ang kaniyang mga magulang sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mas magaganda pang bahay para sa kanila.

Sa Mars Pa More, binasa ni Kiray ang kaniyang letter para sa future self.

"Para sa akin mas babawi ako ng oras sa parents ko, sa family ko... Family pa rin 'yung [iniisip] ko... kahit sa future, family pa rin. Papatayuan ko pa ng mas magandang mga bahay sina mama at si papa. Ibibigay ko pa lahat ng kaya ko sa mga pamangkin ko," anang Kapuso comedianne.

"At huwag kakalimutan siyempre ang sarili mo. Mag-ipon ka rin at sa panahon na ito nakaipon ka na para sa sarili mo. Good luck and enjoy life dahil life is short, kagaya mo," paalala naman ni Kiray sa kaniyang sarili.

Matatandaang may pinangarap si Kiray na bahay na ipagagawa pero mas gusto niyang kasama ang kaniyang pamilya.

Hindi pumayag si Kiray na siya lang ang mag-isa sa pinapangarap niyang bahay, dahil nais niyang kasama pa rin ang kaniyang pamilya.

Nabili ni Kiray ang kanilang bahay sa Maynila noong 2017.

"Feeling ko talaga, kaya ako nabuhay sa mundong ito, para sa pamilya," sabi ni Kiray. —LBG, GMA News