Magtatambal sa unang pagkakataon sina Beauty Gonzalez at Kelvin Miranda para sa episode na "Loving Miss Bridgette" ng "Stories from the Heart."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ito ang kauna-unahang drama series na pagbibidahan ng bagong Kapuso na si Beauty.

Unang nagkita at nakapag-usap sina Beauty at Kelvin sa story conference ng naturang episode.

Pero ayon kay Beauty, nag-research na siya tungkol kay Kelvin, at pinanood ang seryeng kinabilangan nito na "The Lost Recipe."

"Chineck ko na 'yung Instagram niya, I watched a movie of him na nasa Netflix, pinanood ko na siya. I did a bit of my assignment, my homework. Kasi siyempre it's my homework also to know my co-actor," paliwanag ni Beauty.

Si Kelvin naman, sinabing ini-"stalk" niya si Beauty sa Instagram.

Nahiya si Beauty dahil nalaman ni Kelvin na tinitingnan din pala ng aktres ang kaniyang IG account..

"Chine-check niya rin pala ako, tapos pinakita ko," sabi ni Kelvin.

Komento ni Beauty na napatakip ng mukha; "Meron palang gano'n. Oh my gosh! Nakakahiya!"

"Bigla na akong kinabahan. Siyempre si Beauty kasi talagang magaling siya na aktres and hinahangaan ko siya sa trabaho niya," sabi ni Kelvin.

Unang beses ni Beauty na magkakaroon ng leading man na mas bata sa kaniya.

Isa sa mga ginawang paghahanda ni Beauty ang people watching.

"Titingin tingin lang ako. May isang girl, bagets ang jowa, paano kaya sila nagho-holding hands 'pag naglakad. 'Yung mga mostly observing lang talaga. Uy binibilhan niya ng sapatos, gano'n ba dapat ba?" sabi ni Beauty.

Aminado si Kelvin na kabado siya, pero excited na makatrabaho si Beauty.

"Sobrang hinahangaan ko kasi siya eh. Kasi sa mga actress sobrang natural niya, technically bagay sa screen 'yung mga ginagawa niya, very effective. Iniisip ko kung paano ko mapapantayan 'yun," sabi ni Kelvin.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News