Mailalarawan ni Regine Tolentino na "fun and fulfilling" ang pagiging isang ina nang isilang niya si Baby Rosie matapos ang dalawang dekada na hindi muna siya nag-anak.

Sa "Mars Pa More," inilahad ni Regine na isang taon at apat na buwan na ngayon si Rosie.

"Talagang na-e-enjoy ko ang pagiging mommy ko ulit, after like two decades of not having a kid, ito na naman ako," sabi niya.

Mas madali na raw ang pag-aalaga sa isang sanggol dahil na rin sa mga bagong teknolohiya kumpara noon.

"It's easier now, actually, with all the information, it's so easy, in a click of a finger," anang TV host-dancer.

Gayunman, muling nanibago si Regine pagdating sa pag-aalaga ng baby.

"Tsaka actually, lahat naman tayo merong mother's instincts, so babalik naman 'yan. Pero siyempre at first naninibago ako ulit, kung paano ulit, the breastfeed ulit, 'yung gano'n. It's a challenge but of course it's fun and fulfilling. Happy na happy kami."

Sa edad na 41, hindi inakala ni Regine na mabibiyayaan pa siya ng isa pang anak mula sa partner niya na si Dondi Narciso, kaya itinuturing niyang "miracle child" si Baby Rosie, na isinilang niya dalawang araw matapos ideklara ang community quarantine dahil sa COVID-19.--FRJ, GMA News