'NBSB' o no boyfriend since birth ang Kapuso actress na si Sanya Lopez. Pero may posibilidad kayang mahulog ang loob niya sa isang lalaki na mas may edad sa kaniya?

Sa artikulo ni Bernie Franco sa PEP.ph, sinabi ni Sanya sa nakaraang panayam sa kaniya na hindi mahalaga ang edad pagdating sa pag-ibig.

Ayon sa 24-anyos na aktres, kahit mas may edad ang lalaki ay buong-buo niya itong tatanggapin basta itinibok ng kaniyang puso.

Natanong ito kay Sanya dahil mas may edad sa kaniya ang dalawang naging leading man niya: si Gabby Concepcion sa nagtapos na GMA primetime series na "First Yaya," at si Senador Bong Revilla, sa weekly fantasy series na "Agimat ng Agila."

Ayon kay Sanya, hindi naman malalaman kung sino ang itinakda para kaniya.

“And kung sino man ‘yon, tanggap ko talaga kahit ano pa yung age niya," anang aktres.

"Sa akin, kahit bata o matanda, kung totoo naman yung na-in love kayo sa isa’t isa at wala naman kayong inaagrabyadong tao, then okay naman po. Wala naman pong problema,” dagdag pa ng aktres.

Samantala, hanga at pinuri ni Sanya sina Gabby at Bong dahil nakita niya na marespeto ang dalawang beteranong aktor sa mga katulad niyang baguhan.

“Sabi nga, yung mga baguhan na katulad ko rin, iba rin yung respeto nila, kahit alam nating matagal na sila sa industriyang ito," anang aktres.

“Alam nila kung paano rin makipagsabayan sa kanila, and yun ang naa-appreciate ko sa kanila pareho," patuloy niya.--For the full story, visit PEP.ph