Ikinagalak ng entertainment industry ang pagkapanalo ng Philippine boxer na si Nesthy Petecio ng pilak na medalya sa women's featherweight sa 2020 Tokyo Olympics.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isa sa mga napahanga ni Nesthy si Voltes V: Legacy director Mark Reyes, na sinabing "this is what the Olympics is all about... Humanity wins at the end."

Inihayag din nina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Miss Universe Philippines 2013 Ariella Arida ang kanilang pagbati kay Nesthy.

Binati rin si Nesthy ng Kapuso stars na sina Chynna Ortaleza, Gabbi Garcia, at Rodjun Cruz.

"Let us all be gracious in defeat," sabi ni Gil Cuerva.

Bago kay Nesthy, wagi ng gold medal sa weightlifting si Hidilyn Diaz.

Tiyak na rin na mag-uuwi ng mga medalya ang mga Pinoy boxer na sina Eumir Marcial at Carlos Paalam.

Naging mahigpit ang laban sa women's featherweight finals kung saan ipinamalas ni Nesthy ang tapang at puso ng mga Pilipino nang harapin niya si Sena Irie ng Japan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News