Mas iniisip na ngayon ni Juancho Triviño ang kaniyang mag-ina na sina Joyce Pring at Baby Alonso Eliam kaysa sa sarili bilang bahagi ng adjustment niya sa pagiging padre de pamilya.

Sa Kapuso Showbiz News, inilahad ni Juancho na iba pa rin ang mag-alaga ng bata kumpara sa kaniyang trabaho bilang artista at host.

"Akala ko kaya ko eh, kasi nagte-taping ako ng nine years eh. Pero iba eh, iba 'yung 12 a.m. hanggang 5 a.m. Sinusubukan mo 'yung best mo na tumigil siya sa kakaiyak pero, adjustment. Patience, sobrang laking patience," sabi ni Juancho.

Pero higit pa rito, mas natuto raw si Juancho na huwag munang isipin ang sarili at sa halip, unahin ang kaniyang pamilya.

"Hindi ko na iniisip ang sarili ko ngayon. Mas priority ko na si Joyce and 'yung anak ko," saad niya.

Matatandaang nagdesisyon sina Juancho at Joyce na huwag munang ipakita ang mukha ni Baby Liam sa publiko.

"Mixed pero parang medyo dominant 'yung kay Joyce sa ngayon. Napag-usapan din namin kasi 'yun na iho-hold muna 'yung privacy namin, lalo noong nanganak siya and 'yung hitsura niya. Para sa mental health din namin, na inu-unti unti rin namin 'yung mga bagay-bagay. We're enjoying each moment and sobrang laking blessing din ni Liam sa buhay namin," sabi ni Juancho.--FRJ, GMA News