Nakilala noon bilang si "Aleng Maliit" at itinanghal bilang Little Miss Philippines 2012, blooming na dalagita na ngayon si Ryzza Mae Dizon. Ano nga bang pangarap niyang gawin paglaki maliban sa pag-aartista?

Sa "Stories of Hope," itinampok ang YouTube channel ni Ryzza Mae, at ipinakita niya ang mga naipundar na niya mula sa pagiging EB Dabarkads. Kabilang dito ang bahay at sasakyan para sa kaniyang pamilya.

Bukod dito, nakapagpatayo si Ryzza Mae ng kaniyang computer cafe noong 2017 sa Quiapo.

Pero nang dumating ang pandemya, isinara muna ni Ryzza Mae ang kanilang computer cafe.

Dahil sa guidelines na ipinatutupad sa community quarantine na hindi muna maaaring lumabas ang mga menor de edad, nate-taping muna si Ryzza Mae para sa Eat Bulaga mula sa kaniyang bahay.

"Sobrang nanibago po ako na lahat ng ginagawa ko, through Zoom na lang po, through gadgets na lang. Hindi tulad ng dati, nakakasama ko 'yung mga Dabarkads, mga boss po," sabi ni Ryzza Mae.

Pumapasok na rin si Ryzza sa kaniyang online classes.

Bukod dito, pinangangalagaan na rin ni Ryzza ang kaniyang katawan sa pamamagitan ng workout.

"Panay po ang workout ko kasi nga po kapag hindi ako nag-workout lagot ako kay mama, magagalit siya sa akin," natatawang kuwento ni Ryzza.

"Kasi gusto niya po na ma-fit ako, healthy po ako kasi importante ang workout sa atin para rin po 'yung katawan natin inside is healthy din po lalo ngayong pandemic mahirap na po kapag nagkasakit," sabi ni Ryzza.

"Gusto ko rin naman po na pumayat po ako kahit konti kasi siyempre nagdadalaga na po ako. And para magka-leeg leeg na rin po ako kahit konti," biro pa ni Ryzza.

Inihayag ni Ryzza ang kaniyang pangarap paglaki.

"Ang pangarap ko naman po paglaki ay, siyempre unang una lumaki muna ako," biro ni Ryzza. "Tapos maging chef. Kasi gusto ko pong matutong magluto. Minsan po nagpa-practice na akong magluto, kami po ni mama. Ang saya po kasing maging chef," patuloy niya. --FRJ, GMA News