Dama na raw ni Bianca Umali ang transition niya sa mga mas mature na karakter tulad sa "Legal Wives." Pero handa na rin kaya siya sa daring scenes?

"I'm not saying no to it [daring scenes] pero at the same time sa ngayon, at this point of my career I think it's something na hindi pa time," sabi ni Bianca sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

"But also I think if it is part of the story, I never say no naman to anything as long as I can do it. I think it depends on how it will be executed, how important it is sa story," paliwanag pa niya.

Napapanood ngayon si Bianca bilang si Farrah sa Kapuso cultural-drama-romance series na "Legal Wives."

Sa nakaraang episode ng Kapuso series, nalalapit na ang pagpapakasal ni Farrah kay Ismael Makadatu [Dennis Trillo], para makaiwas sa kahihiyan matapos mabuntis dahil sa nangyaring pagsasamantala sa kaniya.

Inaasahang makakadagdag si Farrah sa tensiyon ng dalawang asawa ni Ismael na sina Amirah [Alice Dixson] at Diane [Andrea Torres].

Sabi ni Bianca, hindi niya alam noon kung ano ang magiging reaksiyon ng mga tao sa transition niya sa paggawa ng mga mas mature role.

"Noong una talagang pinag-iisipan ko and pinaghihirapan ko 'yung roles ko because I don't know how the people would react na ganito na 'yung mga ginagawa ko ngayon, may asawa na ako and so on. But seeing their feedback, talagang nakakatuwa po kasi nagpe-pay off po lahat ng hard work ko," sabi niya.

Mapapanood na ang "Legal Wives" sa bago nitong oras pagkatapos ng "24 Oras" simula Lunes.- Jamil Santos/FRJ, GMA News