Sa programang "Mars Pa More," naglaro ang mga host at guests ng programa ng "Shot o Sagot." Dito ay kailangan nilang inumin ang nakalagay sa shot glass kung wala silang maisasagot sa tanong.

Sa naturang episode, kasama ni Camille Prats bilang guest co-host si LJ Reyes. Kasama rin nila ang mga Kapuso newbie na sina Shayne Sava at Kim de Leon, na unang natanong.

Nang si LJ na ang kailangang sumagot, sinabi sa aktres na banggitin ang pinakamatinding dahilan kung bakit sumama ang loob o nagalit sa kaniya ni Paolo Contis.

Naging mabilis naman at natatawang sumagot si LJ na, "Wala. Ang bait ko eh."

Kaya naman dinugtungan ito ni Camille ng tanong kung may nagawa ba siyang pinagtampuhan ni Paolo.

Pero ayon kay LJ, hindi raw matampuhin si Paolo.

Tanong uli ni Camille, "Ano lang?"

Dito medyo nag-isiip si LJ pero sinabi rin niya na, "Wala."

Dahil walang maisagot at naikuwento si LJ, kinailangan niyang pumili ng iinumin na nakalagay sa shot glass.

Panoorin sa video ang buong episode. --FRJ, GMA News