Inihayag ni Shayne Sava kung sino ang lalaki na unang nagdulot ng labis na "sakit" sa kaniyang puso.

"'Yung tatay ko po siyempre. Kasi siya 'yung unang-unang nag-break ng heart ko," sabi ni Shayne sa programang "Mars Pa More."

"Iniwan niya po kami bata pa lang," pagpapatuloy ni Shayne.


 

Noong contestant pa lang siya sa StarStruck Season 7, ikinuwento ni Shayne na naghiwalay ang kaniyang ama at ina noong anim na taong gulang pa lamang siya.

Ang paghihiwalay ay dahil umano sa third party.

"Parang roller coaster ride. Minsan tatlong taon siyang hindi magpaparamdam, tapos magpaparamdam na naman siya ulit, sasabihin niya magsusustento siya, tapos hindi na naman," kuwento ni Shayne.

"Lagi niya pa akong pinapaasa, sasabihin niya 'Uy ibibili kita ng ganiyan,' 'Aalis tayo' tapos wala naman. Parang ang sakit 'di ba?" dagdag pa niya.

"May galit ka ba sa tatay mo?" diretsong tanong sa kaniya ni Kim de Leon.

"Wala. Pero tampo meron," sabi ni Shayne.

"Pero natuwa ako kasi nagbabasa ako ng comments, tapos nakita ko 'yung comment niya, sabi niya 'Go anak! Susuportahan kita. Mahal kita!'

Sinusuportahan niya pa rin pala ako kahit hindi niya ako kinakausap," anang StarStruck Season 7 Ultimate Female Survivor.--FRJ, GMA News