Sa kaniyang Youtube vlog, ibinahagi ni Aiko Melendez kung bakit siya nagkaroon ng malalim na sugat sa noo na kinailangang tahiin. Taliwas ito sa mga espekulasyon na nakipag-away siya.

Ayon sa aktres, ang sugat ay likha ng pagkakauntog niya sa lababo nang bigla siyang magsuka matapos kumain.

“Kagabi, while eating a spicy Korean ramen. Parang na-feel kong 'yung tiyan ko bumabaliktad na. Pinipilit ko pa rin siyang kainin. Finally, nasuka ako,” sabi ni Aiko.

"Nung nag-exert ako ng effort, nahilo ako, then tumama na 'yung ulo ko sa sink. Then nakahiga na ako sa sahig,” patuloy niya. "Malalim at malaki 'yung sugat...so kailangan siyang tahiin.”

Dinala umano siya ng anak na si Andre at kanilang driver sa ospital. Pero naka-tatlong ospital daw muna sila bago siya natanggap dahil na rin sa dami ng COVID-19 patient.

"Sabi ng doctor, buti na lang hindi natamaan 'yung nerve mo sa mata… Nagpapasalamat ako sa Panginoon na hindi po na-damage 'yung mata ko,” ayon kay Aiko.

"Tumama talaga siya sa sink kaya pumutok siya. Sa mga nagkakalat na nakipag-away ako or anything, it's unfair, don't speculate or make up things dahil hindi makakabuti sa ating lahat 'yan,” pakiusap niya.

Nagpasalamat din siya sa mga nag-alala para sa kaniya. Kasabay nito ang mensahe niya sa lahat na patuloy na mag-ingat sa harap pa rin ng nararanasang COVID-19 pandemic.

“Maraming salamat po sa lahat ng mga nagme-message po sa akin,” saad niya. “Na-appreciate ko po lahat ng message niyo, I wish I can reply to everyone but kailangan ko pa po magpahinga. Salamat sa inyo. Sana po lahat tayo magingat sa panahon na ito.”

—FRJ, GMA News