Kasabay ng pagkumpirma na hiwalay na sila ni Paolo Contis, nagbigay ng ilang detalye si LJ Reyes tungkol sa nangyari sa kanilang relasyon para maituwid ang ilang maling impormasyon na kumakalat.

Sa panayam ni Boy Abunda, ipinaliwanag ni LJ kung bakit kinailangan nilang iwan ng kaniyang mga anak si Paolo.

Ayaw magkomento ni LJ patungkol sa mga usap-usapan na may "third party" na sangkot sa kanilang paghihiwalay.

"Sa totoo lang kung ano man yung third party na sinasabi nila, its actually the least of my concerns," sabi niya.

Sa nakalipas na dalawang buwan, sinabi ng aktres na mayroon siyang mga natutuklasan.

"The past two months have been revelation after revelation,” saad niya. “Sa gabi nagpapatulog sa 'kin ay praise and worship. Minsan binabangungot na ako, paano nangyari ‘yung mga bagay na nangyari? 'Di ko na mahiwalay ‘yung reality na nalaman ko, na information ng revelation sa mga tao sa paligid ko na uncover ko.”

Napansin daw ni LJ ang pagbabago ni Paolo sa huling bahagi ng 2020. Mula sa pagiging homebody, naging madalas ang pag-alis ng aktor sa bahay.

Iniiwasan naman daw ni Paolo na pag-usapan ito.

Ayon pa kay LJ, may mga nagpapadala sa kaniya ng mensahe na nakikita nila si Paolo sa labas. Pero kapag tinanong daw niya ang aktor ay magsasabi ito na papaano siya makikilala gayung naka-face mask at face shield siya.

‘Kapag nagmamahal ka, alam mo. Pagkilala mo ‘yung tao, alam mo,” ani LJ.

Hindi man nagbigay ng buong detalye, sinabi ni LJ na kailangan nila ng kaniyang mga anak na si Aki at Summer na umalis.

“We left because I felt like I really need me, myself and my kids out of the situation physically para kahit papaano matulungan kami emotionally and mentally to recover and rebuild as a small family,” paliwanag niya.

Napag-alaman na nitong Agosto lumipad papuntang New York City sina LJ at mga anak.

'Nasa ibang mundo na po siya'

Sinabi rin ni LJ na hindi "mutual" ang kanilang hiwalayan ni Paolo.

“Hindi siya mutual kasi naniniwala po ako na ‘pag mutual ang desisyon, pareho kayong [agree] na hindi na nag-work yung relationship,” paliwanag niya.

“Ako po yung nagsabi na parang nasa ibang mundo na po siya at parang pakiramdam ko, inaantay lang niya na manggaling sa’kin,” ani LJ. “Ramdam na ramdam ko po na ibang-iba na.”

Sinabi rin ni LJ na sinikap niyang manahimik at hindi maipahalata ang kaniyang pinagdadaanan.

Nagsimulang mapansin ang netizens ang paghihiwalay ng dalawa nang mawala na ang larawan nila sa kani-kanilang Instagram account.

Anim na taon na nagsama sina LJ at Paolo at nagkaroon sila ng isang anak na si Summer.

Wala pang ibinibigay na pahayag si Paolo tungkol sa nangyari sa kanila ni LJ. — FRJ, GMA News