Hindi napigilan ni Rayver Cruz na mapaluha sa renewal niya ng kontrata sa GMA Network, matapos siyang batiin ng kapatid na si Rodjun at maalala ang kanilang yumaong ina.

"Grabe sobrang thankful and sobrang blessed ako na 'yung trust na binibigay sa akin ng GMA is beyond words talaga, and gano'n din ako sa kanila," sabi ni Rayver sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado.

"I'm very happy to be here, I'm very happy to be a Kapuso," dagdag ni Rayver.

Binati si Rayver ng mga malalapit niyang kaibigan, pati na rin ni Rodjun, sa muling pagtitibay niya ng kaniyang relasyon sa GMA Network.

"Siyempre sina mama at papa in heaven, sobrang proud sila sa'yo bro. Para kong nakita 'yung ngiti nila and saya nila bro, nakagabay pa rin sila sa'yo. Mahal na mahal ka namin Ray! Congratulations bro!" mensahe ni Rodjun kay Rayver.

"Magkasabay kami ni Rodjun and up to now, we're here sa GMA. We're very thankful... Si mama talagang ano eh... Iba 'yung [pakiramdam] eh, I'm sure sobrang proud ni mama ngayon, sobrang happy na nandito ako sa Kapuso," ayon kay Rayver.

Kasamang pumirma ni Rayver ang ilang GMA executives sa pangunguna ni Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable at co-manager ni Rayver na si Albert Chua.

Ikinatuwa rin ng star builder na si Mr. M ang muling pagsasama nila ni Rayver, sa Kapuso Network sa pagkakataong ito. – Jamil Santos/RC, GMA News