Marami ang nagtatanong kung nasaan nga ba ang Kapuso resident meteorologist at ekspertong totoo na si Nathaniel 'Mang Tani' Cruz.

Matagal-tagal na rin kasing hindi napapanood si Mang Tani sa pagbibigay ng weather report sa GMA News, partikular sa "24 Oras."

Nitong Huwebes, natuldukan na ang naturang tanong nang mag-shout-out kay Mang Tani ang "24 Oras" anchors na si Mel Tiangco, Vicky Morales, at Mike Enriquez.

"Bago po tayo magtapos, shout-out muna tayo sa ating ekspertong totoo, si Mang Tani, si Ginoong Nathaniel Cruz," sabi ni Mel sa newscast nitong Huwebes.

Napag-alaman na nasa Australia si Mang Tani.

"Si Mang Tani po ngayon ay nasa Melbourne, Australia kasama ang kanyang pamilya," ani Vicky.

Tulad ng marami, mayroon din tanong si Mike: "Marami nang nakaka-miss kay Mang Tani. Kamusta na kaya si Mang Tani? Kailan kaya siya babalik?"

Iyon naman ang susunod na aabangan ng mga Kapuso.

—FRJ, GMA News