Inilahad ni Mark Herras ang ilang pagbabago sa kaniyang sarili matapos isilang ng asawa niyang si Nicole Donesa ang kanilang anak na si Baby Corky.

"Nagkaroon ako ng suweldo sa GMA last payroll. Tapos sabi ko, 'Ibibigay ko ba lahat ito?' Ibinigay ko lahat sa asawa ko. Sabi ko, 'Ito Itchy oh, wala akong binawas diyan ha. Bigay ko sa'yo lahat 'yan," kuwento ni Mark sa programang "Tunay Na Buhay."

"Tapos kapag may kailangan na lang ako, nanghihingi ako," natatawang sabi ni Mark. "Sabi ko 'Itchy puwede ba akong manghiram ngayon? May bibilhin ako eh."

"'Yun pa lang naman ang pinakamalaking pagbabago," dagdag ng Kapuso actor.

Bukod dito, natututunan na rin ni Mark na palipasin kung mayroon man silang hindi pagkakaunawaan ni Nicole.

"Sabi ko nga 'pag nag-a-argue kami, 'Uuwi muna ako sa bahay.' Kasi I have my house doon sa Filinvest. Pero ngayon nag-stay ako kina Ico (Nicole) kasi kasal na kami," kuwento pa niya.

Hindi na rin aniya payag ni Mark na palipasin ang gabi na magkaaway sila ng kaniyang asawa.

Napag-alaman na nagsimulang mabihag ni Nicole ang puso ni Mark nang magkatrabaho ang dalawa sa Kapuso afternoon series na "Bihag."

Balikan sa "Tunay Na Buhay" ang love story nina Nicole at Mark, at kung paano sila humantong sa kasalan.

--FRJ, GMA News