Kilala man sa kaniyang paghahatid ng mga trivia at makabuluhang impormasyon, pero sinabi ni Kuya Kim Atienza na gusto rin niyang masubukan ang comedy sa Bubble Gang at makatrabaho ang comedy genius na si Michael V.

"Gusto kong lumabas sa Bubble Gang. Alam mo si Bitoy (Michael V.), matagal ko nang kaibigan, at I'm sure alam na niya na Kapuso na ako eh," sabi ni Kuya Kim sa Kapuso Showbiz News.

"Gusto kong lumabas sa Bubble Gang, gusto kong magpatawa lang doon," anang TV host.

Pagtiyak ni Kuya Kim, iingatan pa rin niya ang kaniyang viewers na nasanay na sa kaniyang imahe bilang isang trivia man.

"Kaya lang baka hindi ako payagan doon. It might be against my equity, pero iingatan ko naman 'yung viewers ko doon. Pero tawang tawa ako kay Bitoy, isa siyang henyo, and I'd like to be in his show."

Bukod kay Bitoy, inihayag ni Kuya Kim na gusto niya ring makatrabaho si Marian Rivera.

"Gusto kong makatrabaho si Marian. Not because gusto ko siyang maging leading lady, but dahil kay Dong. I've become so close to the couple, kaya gusto ko to be with her and get to know her more, a working relationship," saad ng TV host.

Isinagawa ang grand welcome para sa "Kuya ng Bayan" nitong Oktubre 4 sa 24 Oras kung saan makikita na si Kuya Kim doon bilang isa sa segment hosts.

“Isang malaking karangalan na mapunta ako sa Kapuso Network,” sabi ni Kuya Kim. “Nothing happens by accident. I was given this opportunity by GMA-7 and I intend to make the most out of this opportunity.” -NB, GMA News