Inihayag ni Buboy Villar na maaari rin siyang ma-inlove kay Kiray Celis, at sinagot ang tanong kung nagsisisi siya na hindi niya ito niligawan noon.

"Sa totoo lang, si Kiray matagal ko nang katrabaho talaga 'yan, as in noong nasa [kabilang network] pa ako. Baby na baby pa lang ako, Kiray na 'yan, kumbaga idol na 'yan," sabi ni Buboy sa The Boobay and Tekla Show.

"Kumbaga mataas ang respeto ko sa babae na 'yan. Kaya sinasabi ko na puwedeng ma-inlove nga rin ako kay Kiray eh, kung tutuusin. Legit!" dagdag ng Kapuso comedian.

Sinabi ito ni Buboy nang maging panauhin sina Kiray at ang nobyo nitong si Stephan Estopia sa show.

"Hindi dahil sa gusto kitang pagselosin tol (Stephan), pramis! Puwede ka talagang ma-inlove kay Kiray lalo na... kapag hindi mo kasi siya kilala, 'yung iba maiinis sa kaniya eh, kasi 'Bakit ganiyan ka magsalita?' tapos sobrang prangka. Pero maganda 'yung taong ganu'n, kasi alam mong hindi plastic sa'yo."

Hanga raw si Buboy sa pagiging totoo ni Kiray sa sarili.

'Yun 'yung gusto ko, na parang, tama 'yung sinabi ni Stephan, na totoo siya sa mga sinasabi niya. So 'yung mga sasabihin niya sa'yo, 'yun 'yung mga panghahawakan mo talaga," sabi ni Buboy.

Dahil dito, diretsahang tinanong ni Boobay kung hindi nagsisi si Buboy na hindi niya itinuloy ang paghanga niya kay Kiray.

"Hindi! Kasi meron na siyang boyfriend eh," sagot ni Buboy, na ikinahalakhak ng studio dahil sa tila may diin niyang pag-hindi.

"Bakit parang ang pangit ng pagkaka-hindi mo? Bakit parang dehado ako?" birong komento ni Kiray.

Paliwanag ni Buboy: "Ang sinasabi ko, okay na 'yung magkatrabaho tayo. I mean, sinusuportahan kita, sinusuportahan mo ako. Andito ako bilang kaibigan mo my friend. Promise!" -NB, GMA News