Simple pero memorable na ipinagdiwang ni Rhian Ramos ang kaniyang ika-31 kaarawan dahil sa sorpresa ng kaniyang pamilya at mga kaibigan. Hiling ng aktres, maging masaya pa rin ang kaniyang 30s pero babawasan na niya ito ng mga pagkakamali.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing naging working birthday ang ika-31 kaarawan ni Rhian, habang masaya rin siyang nagdiwang sa isang simpleng dinner kasama ang pamilya.

Naghanda naman ng surprise birthday bash ang kaniyang mga kaibigan para sa kaniya.

"I really, really am looking forward to the rest of my 30s also. I'm hoping that there will be fun just like my 20s, but not as stupid because I'm smarter now," sabi ni Rhian.

Ayon sa aktres, mahalaga na naisasabuhay niya ang kaniyang mga natutunan, sa dami ng kaniyang pinagdaanan ngayong pandemya.

"Kailangan nating magtrabaho eh. So if you are blessed enough and have the privilege to be able to slow down and appreciate the small things, then that to me is success now."

Nagtungo si Rhian sa Paris kamakailan para sa photoshoot ng isang international endorsement, pero nakansela ang unang pictorial kaya sinamantala niya na lang ang trip.

Matapos ang ilang araw, balik Paris si Rhian para ituloy ang proyekto. 

"Dahil mag-start na 'yung taping ng Artikulo 247, three nights lang ako puwedeng mag-stay. So nag-three nights ako para lang sa pictorial na 'yon, tapos umuwi ako, 10-day hotel quarantine. Mas mahaba pa sa trip," kuwento ni Rhian. —LBG, GMA News