Inilahad nina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap na tulad ng ibang mag-asawa, hindi rin nila naiiwasan na magkaroon ng hindi pagkakaunawaan paminsan-minsan.

Sa "Mars Pa More," tinanong sina Rochelle at Arthur kung naka-relate sila sa lyrics ng kanta ng bandang Kamikazee na Martyr Nyebera:

"Ang almusal ay sigawan / Ang hapunan natin ay tampuhan / Ang miryenda pagdududa / Pero mahal kita / Wala nang hahanapin pang iba / Handa akong magtiis / Kahit na away, away, away na 'to."

"True!" natatawang sagot ni Rochelle. "Kasi totoo. Lahat ng linya roon totoo. Ninamnam ko siya eh."

"[But at the end of the day,] kayo pa rin, mahal niyo pa rin ang isa't isa," dagdag niya.

Dahil dito, nagtanong si Iya Villania, host ng show, kung araw-araw ba silang nag-aaway ni Arthur.

"Every other day," natatawang biro ni Rochelle.

"Real life story?!" sabi naman ni Arthur.

"Kasi nangyari siya sa amin. At gusto naming iparating na 'pag nangyari 'yon, hindi naman agad-agad na maghihiwalay kayo. Kapag napagdaanan niyo, eventually ito 'yung mangyayari after no'n, magiging stronger kayo," pagpapatuloy ni Arthur.

Sinabi ni Arthur na walang relasyong perpekto, kaya dapat na laging pinag-uusapan ng mag-asawa ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

"Kasi kapag dineny (deny) mo 'yun, imposible namang perfect [ang relationship]. Walang perfect," sabi ni Arthur.

Ikinasal sina Rochelle at Arthur noong 2017. Mayroon silang isang anak, si Shiloh.--FRJ, GMA News