Pinabasbasan na ng actress and entrepreneur na si Lovely Abella ang bagong bahay nila ni Benj Manalo.

Sa Instagram post, makikita sa larawan sina Lovely at Benj sa balcony. May larawan din sa ginawang blessing ng maganda nilang bahay.

Sa caption, nagpasalamat sa Diyos ang "Bubble Gang" babe sa nakamit na biyaya.

"Salamat sa napakagandang blessing sa aming mag-asawa, nagpapatunay na kung may tiyaga may nilaga, nagpapatunay na lumaban tayo sa buhay," saad niya.

"Ginamit namin nang tama at maayos ang talentong binigay sa amin ni Lord," dagdag ni Lovely.

Nagpasalamat din si Lovely kay Benj dahil sa pagsuporta sa kaniya.

"Salamat at lagi kang nakaalalay sa 'kin, salamat at team work tayo sa lahat ng bagay. 'Di po namin hinahayaang ayaw ng isa dapat laging meet half way kami," anang aktres.

"Makakaasa ka, babe, na sa lahat ng pagsubok, lalo nating pagtitibayan dahil marami pa tayong mararanasan," patuloy niya.

 

 

Kasabay nito, nagbigay din ng mensahe si Lovely para sa ibang nagsisikap din sa buhay.

"Bumagsak din kami pero di kami nagpatinag sa problema. Lalong pagsumikapan kung nagsisimula na kayo. 'Wag kayong mawalan ng lakas ng loob," payo niya.

"Simulan ninyo sa tiwala kay Lord at tiwala sa inyong mga sarili. Kung 'di man lahat nagtitiwala sa inyo, promise, meron pa ring mga taong magtitiwala sa inyo," ayon sa aktres.

—FRJ, GMA News