Dalawang Guinness World Records ang binasag ng music video na "LALISA," na solo debut ni Lisa ng Korean girl group na BLACKPINK.

Inilahad ng Guinness World Records na naka-73.6 milyong views ang naturang music video sa YouTube sa loob lamang ng 24 Oras, ayon sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado.

Dahil dito, ang LALISA na ang most viewed YouTube music video ng isang solo artist sa loob ng 24 Oras, at tinalo ang music video ng kantang ME! ni Taylor Swift, na nakuha ang record noong 2019.

Nakuha rin ng LALISA ang record para sa Most Viewed YouTube music video ng isang solo K-pop artist sa loob ng 24 oras.

Hawak ito dati ng co-member ni Lisa sa BLACKPINK na si Rosé para sa solo debut niya na "On The Ground." – Jamil Santos/RC, GMA News