Inilahad ni Lauren Young na sawa na siyang sagutin ang isyu kung buntis siya. Sinagot din niya ang isyu tungkol sa pagkukumpara sa kaniya sa kapatid na si Megan Young.

Sa programang "Mars Pa More," tinanong si Lauren tungkol sa mga isyu na iniuugnay sa kaniya - ang pagkumpara sa kaniya sa ate niyang si Megan Young, at ang pagbubuntis umano niya.

"Hindi ko pinili 'yung pagkumpara kay Megan because my sister is someone na I look up to. So every time kino-compare ako sa kaniya, actually I think it is a compliment kasi ang dami niyang na-achieve and I'm proud of her. I don't mind at all," sabi ni Lauren.

Muli namang pinabulaanan ni Lauren na buntis siya.

"'Yung pagbubuntis. I think... hindi pa ako buntis guys!" natatawang sabi ng Kapuso actress.

"Puwede bang nag-quarantine weight lang ako nang konti?" dagdag pa ni Lauren.

Ayon sa kaniya, iaanunsyo niya kapag dumating ang panahon na totoong buntis na siya.

"Malalaman at malalaman... Kayo (Mars Pa More hosts) ang unang makakalaman guys, kasi ipo-post ko sa Instagram ko," sabi ni Lauren. --FRJ, GMA News