Ikinagulat ni Derrick Monasterio na engaged at may petsa na ng kasal ang kaniyang ina, ang dating aktres na si Tina Monasterio.

"Actually nagulat din ako eh, nagulat din ako talaga. Happy ako eh kasi nagbago talaga 'yung mood ng mom ko. Like sa bahay kung paano siya sa amin, wow! As in, basta, iba 'yung mood niya. Mas mukha siyang bumata," sabi ni Derrick sa Kapuso Showbiz News.

"Doon mo masasabi kapag in love, kapag fresh ka, kapag blooming ka palagi, in love ka. Matic 'yun," dagdag ng aktor.

Nasurpresa raw si Derrick nang magpadala ang kaniyang ina ng mga larawan nito na suot na ang engagement ring.

"Ang weird, kasi nag-send na lang siya ng picture na suot na niya 'yung engagement ring. Walang paalam-paalam."

Ayon kay Derrick, may petsa na rin ang kaniyang ina sa kasal nito.

"So parang 'Woah!' Akala ko nga pina-prank ako eh ... Pero hindi, totoo eh. At may date na rin siya so, mukhang naka-set na talaga. I'll post naman soon kapag nangyari, sa social media. So malalaman din naman nila," anang Kapuso hunk.

 

At nang tanungin kung masaya si Derrick para sa ina: "Yes happy. Very supportive."

Nakatakda raw ikasal ang kaniyang ina sa States.

"Hindi naman mahirap ang preparation. Smooth naman. Kasi nga sa States siya ikakasal eh, medyo wala naman masyadong restrictions doon eh. Ayos na lahat. Kami na lang talaga ang pupunta."

Sa isang artikulo ng PEP.ph, sinabing kasabayan ni Tina sina Alma Moreno, Daria Ramirez, at Jean Saburit.

Naging leading lady si Tina ng mga action star at comedian noon, gaya nina Fernando Poe Jr. (Bato Sa Buhangin, Kumander Ulupong, Ang Lihim ng Guadalupe, Mahal... Saan Ka Nanggaling Kagabi?), Lito Lapid (The Jess Lapid Story), Chiquito (Mr. Wong and the Bionic Girls), Rudy Fernandez (Hijack '77), Rey Malonzo (Ang Huling Lalake sa Baluarte), Ace Vergel (The Valderrama Case), Bembol Roco (Totoy Guwapo), at Dolphy (Superhand: Shadow of Dancing Master). —Jamil Santos/RC, GMA News