Sa pagpirma ni Rabiya Mateo ng kontrata bilang isang ganap na Kapuso artist, sinelyuhan nito ang katuparan ng kaniyang pangarap noong bata pa na maging artista.

Matapos ang contract signing nitong Huwebes, sinabi ng Miss Universe Philippines 2020 sa showbiz press, na umaarte siya sa harap ng salamin noong bata pa siya.

"Sabi nga ng mom ko, hindi yung bida yung ginagaya mo, mostly kontrabida," masaya niyang kuwento.

"I did declamation... I also tried theater back in high school and college. I can't believe I'm really doing this art as an actress as part of GMA," patuloy niya.

Nang tanungin kung sinong aktres ang idolo niya, sinabi ni Rabiya na si Cherie Gil.

"I'm a fan of actresses na nandoon talaga 'yung heart nila sa ginagawa nila and makikita mo talaga 'yung burning passion in their eyes," saad niya.

"'Yun 'yung technically standard for me na kailangan kong ma-reach for me to consider myself as a great actress," dagdag niya.

Nang tanungin kung handa ba siyang masampal sa eksena kung makakatrabaho si Cherie, yes! ang naging tugon ni Rabiya.

"Handa na ako," aniya. "Magpapasampal ako, kahit inudnod niya ako kung saan, okay lang."

Nakatikim na raw siya ng sampal sa eksena nang gawin niya ang isang episode sa "Wish Ko Lang."

"Ganon pala, 'pag nasampal ka, numb 'yung mukha mo pero kailangan mo pa rin mag-deliver ng lines," ayon kay Rabiya.

Makakasama si Rabiya sa upcoming GMA series na “Agimat ng Agila” Book 2. —FRJ, GMA News