Sa kaniyang pagdadamhati, nagbigay-bugay si Michael V. sa namayapang direktor na naging bahagi ng kaniyang mga programa na si Bert de Leon.

Sa Instagram post nitong Lunes, nag-post si Michael V ng larawan na yakap siya ni direk Bert habang nakasandal ang kaniyang ulo sa dibdib nito.

Saad ni Michael V. sa caption ng larawan na tila linya ng direktor, "'Cut! Good take! Moving on ...'"

 

 

Si Bert ay naging direktor ng "Pepito Manaloto" at "Bubble Gang."

Pumanaw ang batikang direktor nitong Linggo.

Noong nakaraang Hulyo, inatake sa puso si direk Bert, at sumailalim siya sa angiogram at angioplasty.

Nitong Oktubre, nagsagawa ng virtual fundraising event ang mga kasamahan sa showbiz ni direk Bert matapos siyang magpositibo sa COVID-19.

Naulila ni direk Bert ang partner niyang Annalyn Nakpil Jomeo at ang anak nilang si Yanna na limang-taong-gulang.– FRJ, GMA News