Kahit busy sa kanilang mga trabaho, naglalaan pa rin ng quality time ang mga Kapuso mom na sina Alice Dixson, Solenn Heussaff at Kylie Padilla para makapiling ang kani-kanilang mga anak.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang Instagram post ni Alice Dixson habang ka-bonding by the pool ang anak niyang si Baby Aura.

Sa kaniya namang vlog, mapapanood na sinasanay na ni Alice si Baby Aura na lumangoy, na tinawag niya ring "Baby Dyesebel."

Matatandaang gumanap si Alice noon bilang si Dyesebel sa pelikula.

Ibinahagi rin ni Alice ang behind the scenes ng staycation nila ni Baby Aura kung saan nagmistulang videographer pa si Aura.

Mapapanood si Alice sa paparating na Kapuso primetime series na "First Lady," ang sequel ng "First Yaya."

Gaganap si Alice bilang si Ingrid Domingo, isang NGO representative ng anti-poverty volunteers.

Nasa Paris, France naman si Solenn Heussaff kasama si Nico Bolzico at anak nilang si Thylane.

Makikita sa post ni Nico sa IG ang kuwelang pagbili ng tinapay nang hindi nagsasalita ng French. Bumalik din doon si Nico kasama si Tili, na nagsilbi niyang translator.

Ibinahagi naman ni Solenn sa Instagram ang pakikipag-usap niya kay Tili ng French habang kumakain ng strawberry tart.

Nakunan sa IG pa rin ni Nico ang playtime ni Solenn at Tili na puno ng energy kahit 5 a.m. na.

Movie night naman ang bonding ni Kylie Padilla sa kaniyang mga anak na sina Alas at Axl.

Makikita sa post ni Kylie ang kanilang pagiging cozy at chill habang kumakain ng popcorn habang nanonood ng Jurassic Park, na childhood favorite ni Kylie.

Paborito na rin ito ngayon nina Alas at Axl.--Jamil Santos/FRJ, GMA News