Sa nalalapit na pagpapalabas ng “Fast & Furious 9” sa mga sinehan sa Pilipinas, binalikan ng bida sa pelikula na si Vin Diesel ang maganda niyang alaala sa bansa nang makarating siya rito noong 2013.

Sa Chika Minute report sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni  Vin, gumaganap bilang Dom Toretto sa pelikula, na nami-miss niya ang pagdaraos ng movie premiere sa Pilipinas.

“One of the best premieres ever in my life, which is at least in the top three and maybe the best, was [in] the Philippines. It was such a wonderful experience,” ayon sa Hollywood actor.

May 2013 nang dumating sa bansa ang ilang cast ng "Fast & Furious 6" sa pangunguna nina Vin Diesel at Michelle Rodriguez nang idaos sa Manila ang premier night ng pelikula.

Umaasa si Vin na, "I look forward to returning one day for a ‘Fast 10.”

Sa ika-9 na ugto ng “Fast & Furious” movie franchise ng Universal Pictures, kasama sina John Cena (Jakob), Michelle Rodriguez (Letty), Tyrese Gibson (Roman), at ang nagbabalik na si Sung Kang (Han), at maraming iba pa.

Sa F9 na idinirek ni Justin Lin, makakabangga ni Dom ang kaniyang kapatid na si Jakob na isang matinik na assassin at high-performance driver din.

Nauna nang iniulat na magtatapos ang “Fast & Furious” franchise sa ika-11 nitong pelikula. – FRJ, GMA News