Kambal ang role na ginampanan ni Dingdong Dantes sa mini series na "I Can See You: AlterNate." At para magawa ang mga eksena nina "Nate" at "Miguel" nang makatotohanan, isang aktor ang nagsilbing ka-double ng Kapuso Primetime King.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakilala ni Dingdong ang naging body double niya sa mini-series na si Dion Ignacio.

Maliban sa halos magkasing-katawan at magkasing-taas, ginaya rin ni Dion ang ayos ng buhok at galaw ni Dingdong.

"Ginaya ko 'yung hair para s'yempre 'pag may mga shot na nakatalikod o side view," paliwanag ni Dion. "Mahirap din eh kasi 'yung blockings namin, kailangan tandaan."

"Kung ano 'yung kinilos ko do'n sa eksenang 'yon, kailangan maparating ko kay Kuya Dong," dagdag ni Dion.

Unang nagkakilala ang dalawang aktor sa first season ng reality competition na "StarStruck." Host ng naturang programa si Dingdong at contestant pa lang si Dion.

Pero pagkaraan ng 20 taon, natutuwa si Dingdong sa narating na ngayon ni Dion.

"Kahit sabihin mong wala sa kaniya 'yung camera pero 'yung energy na binibigay niya, 'yung interpretation niya sa role, really means a lot," ani Dingdong. "Ang dami kong mga nakuha ring tips sa kaniya."

Kasama rin si Beauty Gonzalez sa "I Can See You: AlterNate," na matatapos na ngayong linggo.

—FRJ, GMA News