Inaunsyo ni Kitkat na ipinagbubuntis niya ang unang anak nila ng asawang si Waldy Favia.

Sa kaniyang Instagram, nagbahagi ng larawan si Kitkat kasama si Waldy habang ipinakikita ang kaniyang baby bump sa ika-15 linggo ng kaniyang pagbubuntis.

"We just want to share with all of you our greatest happiness and Blessing. YES!!! WE ARE PREGNANT!" caption ni Kitkat sa kaniyang post.

Inilahad ni Kitkat na nabuntis siya noong Nobyembre ngunit tila walang nakapansin.

"Super blessing talaga at di kami maselan ni baby, sguro nagtataka lang kayo bakit lagi maluwag ang mga damit ko sa mga tv appearances ko at lagi naka rubber shoes hehe!" sabi pa niya sa caption.

"Well, minu minuto nagpapasalamat kami kay Papa God sa napakalaki at life changing blessing na ito," dagdag pa ng tv host-actress.

Nagpasalamat naman siyang hindi siya nakaranas ng anumang stress sa kaniyang pagbubuntis.

"Pati milagro at ipinagpapasalamat namin na lahat ng anxieties ko, migraine with aura, vertigo, acid reflux, hypertension, asthma at kung ano ano pa ay di ko talaga nararamdaman simula ng nagbuntis ako!"

"We Praise and Love and Trust you Papa God! Maraming Salamat po talaga! 'Yun lang! HAPPY (indeed) VALENTINE’S talaga and message ko sa lahat, BE HAPPY AND KIND ALWAYS," she added. "Ang bawat blessing ay may timing. God is really faithful, perfect timing always!" sabi pa ni Kitkat.

 

 

Bukod dito, ibinahagi rin ni Kitkat ang kaniyang baby bump sa "Mars Pa More," na siyang unang pagkakataon daw sa telebisyon na ipinakita niya ang kaniyang baby bump.

"Gustong gusto ko talaga dito sa Mars Pa More ire-reveal. Kasi noong last kong guesting dito pinag-uusapan lang namin, 'Ano kailan ka ba?' 'Kaka-stop ko lang mag-pills.' So ito na nga, binigay agad!," sabi ni Kitkat. —FRJ, GMA News