Si Alden Richards ang nagrekomenda na isama sa cast ng Philippine adaptation ng "Start-Up" si Jeric Gonzales.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, sinabing matagal nang hinintay ni Jeric ang ganito kalaking break sa kaniyang career, kaya nagpasalamat siya sa tiwala at susuklian niya nito sa kaniyang pagganap.

"Ando'n 'yung pressure, it's a good pressure na ma-challenge ako rito sa role na ito and I'm expecting na, of course there are great actors and actresses. Dito ko matsa-challenge 'yung sarili ko," sabi ni Jeric.

Hindi raw alam ni Jeric na si Alden mismo ang nagrekomenda sa kaniya para mapasama sa series, na pagbibidahan din ni Bea Alonzo.

Ayon kay Alden, ginawa lang niya ang naging karanasan niya noong nagsisimula rin lang siya bilang aktor.

"Kasi I was like that before. Ibalik natin 'yung part na nag-start ako and then si Kuya Dingdong (Dantes) 'yun eh. Binigyan niya ako ng chance to be able to be part of his teleseryes before. I'm just paying it forward, bigyan naman natin ng chance 'yung iba. Of course this is a big project, nakikita naman natin talaga na kaya niyang gampanan 'yung role," paliwanag niya.

"I'm very overwhelmed. I will take it as a challenge and I will do my best," pasasalamat ni Jeric kay Alden.

Bukod dito, makakasama rin si Yasmien Kurdi, na sinabing malapit ang gagampanan niyang karakter sa tunay niyang personalidad.

Inilahad ni Yasmien na fan siya ng "Start-Up."

"Noong kasagsagan ng lockdown ito 'yung pinanonood ko talaga, eh fan ako ng mga artista rito kaya talagang pinanood ko siya nang paulit-ulit. Kaya noong sinabi sa akin regarding the show sobrang na-excite ako. Sabi ko 'Talaga?' Gino (go) ko na talaga, hindi na ako nagdalawang-isip pa na hindi tatanggapin," sabi ni Yasmien.

Matagal ang ginawang preparasyon ni Yasmien para handa siyang makipagsabayan sa mga naglalakihang artista.

"First time kong makakasama si Bea, si Alden. First time kong makakasama si Jeric, so I'm so excited kasi it's a new set of cast and it's very refreshing, very new. Ang saya lang kasi, ang tagal ko na rin kasi silang gustong maka-work and finally, makakasama ko na sila ngayon," dagdag ni Yasmien.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News