Maraming fans ang ramdam ang chemistry nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz lalo na kung magkasamang silang nagpe-perform.
Nang tanungin si Rayver kamakailan kung ano ang real score sa kanila ng Kapuso singer-actress, sinabi nito na komportable sila sa isa't isa at marami silang pinagkakasunduan.
Sa virtual media conference para sa GMA Pinoy TV Stronger Together Dubai Expo event, si Julie Anne naman ang natanong tungkol sa ugnayan nila ng binata.
"We really enjoy each other's company and 'yun, happy lang naman po, all good things. We've always been close, we've been really best friends," sabi ni Julie Anne.
Nang tanungin ang dalaga kung nililigawan ba siya ni Rayver, sinabi ni Julie Anne na ang aktor ang dapat na sumagot.
"I think I'm not the right person to answer the question. Mas ok na lang kung siya na lang po 'yung tanungin," pahayag niya.
Samantala, binati kamakailan ni Rayver si Julie Anne sa matagumpay nitong Limitless Live concert, kung saan naging bahagi ng pagtatanghal ang aktor.
"Congrats Julessss! Proud of you Asia's Limitless Star!" saad ni Rayver sa Instagram.
—FRJ, GMA News
