Inihayag ni Mosang na kung may nakatrabaho man siyang artista na may itinatagong "kamalditahan," ito ay walang iba kundi si Vaness del Moral na sobrang love niya.

"Si Vaness del Moral, bakit?" natatawang sagot ni Mosang nang tanungin sa programang "Mars Pa More" tungkol sa katrabahong may "inner kamalditahan."

Magkatrabaho ngayon sina Mosang at Vaness sa Kapuso murder-mystery drama series na "Widows' Web."

Ipinaliwanag ni Mosang kung ano ang "kamalditahan" ni Vaness na ikinatutuwa niya.

"Si Vaness, I really love her. Kasi lagi kaming magkasama. Siya pala 'yung klase ng babae na nakikita ko na very outspoken. Sasabihin niya talaga ang gusto niya, at tawang-tawa ako sa kaniya," ani Mosang.

Inayunan naman ng "Mars" hosts na sina Camille Prats at Iya Villania ang pahayag ni Mosang tungkol sa pagiging prangka ni Vaness sa mga sinasabi.

"Pero minsan nasasabunutan ko, 'Ikaw talaga 'yung bunganga mo!' 'yung gano'n. We're very used to each other," dagdag pa ni Mosang tungkol kay Vaness.

Ayon kay Mosang, alam din ni Vaness sa kaniyang sarili ang tungkol sa kaniyang pagiging prangka.

"'Yung kamalditahan niya talaga, aliw na aliw ako. Alam naman niya, 'Ay Ate Mong, sobra ba 'yung nasabi ko? Ay hindi! Gusto ko talagang sabihin 'yung sasabihin ko!" sabi raw sa kaniya ni Vaness.

Gumaganap si Mosang bilang si Delia Mendoza, ang istriktong headservant ng mga Sagrado.

Sa naturang series, sinusubukan ni Elaine (Pauline Mendoza) na linisin ang pangalan ng kaniyang fiancé na si Frank (EA Guzman) sa pagkasangkot sa pagpaslang sa amo nitong si Alexander Sagrado III (Ryan Eigenmann).

Nadawit sa pagpatay kay Alexander ang nabalo nitong asawa na si Jackie (Ashley Ortega); kapatid na si Barbara (Carmina Villaroel); at kaibigan ng pamilya nilang si Hillary (Vaness) at mga kasosyo nito.

Samantala, tinanong din si Mosang sa "Mars Pa More" kung sinong Kapuso hunk ang gusto niyang gayumahin at bakit. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA news