Balik-Pilipinas na si Baste pagkatapos magbakasyon ng higit limang buwan sa Amerika kasama ang kaniyang pamilya. Balik din siya sa kaniyang fitness goals at inihayag kung sino ang kaniyang fitspiration.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kasama ni Baste ang kaniyang Mommy Shiela at kapatid na si Samsam nang magbakasyon sa Amerika.

"Nagbonding po ng pamilya namin, nagsakay po kami ng mga roller coaster, sa theme parks," anang Dabarkads.

Pagiging fit at healthy ngayon ang pagtutuunan ni Baste dahil marami rin daw siyang nakain habang bakasyon.

Paborito ngayong gawin ni Baste ang virtual workout, na kagigiliwan din ng mga batang tulad niya.

Ayon kay Baste, natutunan niya ang kahalagahan ng pag-e-ehersisyo sa gitna ng pandemya, kung saan nahumaling na ang mga bata ngayon sa paggamit ng gadgets.

"Galaw-galaw po, hindi lang 'yung nakatutok. Dapat mag-workout workout muna ngayon. Kahit po nasa bahay kayo, exercise lang din po kayo. Mag-watch lang po kayo ng video sa YouTube na paano mag-workout," sabi niya.

Idol niya sa pagiging healthy si Alden Richards.

"BFF ko. Hopefully po magkita po kami," sabi ni Baste.

Miss na rin ni Baste ang hosting at acting kaya soon ay mag-guest siya sa Kapuso sitcom na "Jose & Maria's Bonggang Villa."

"Nami-miss ko na po 'yung Dabarkads natin, mga Dabarkids, at saka po 'yung mga host din po sa Eat Bulaga." --Jamil Santos/FRJ, GMA News