Inilahad ni Sanya Lopez na inialay niya ang pilot episode ng "First Yaya" kay Marian Rivera, na siyang first choice na gumanap bilang si Melody sa naturang Kapuso series.

"Sa totoo lang po, nag-message po ako kay ate Marian. Hindi ko lang po alam kung nabasa niya. Pero sinabi ko doon, pilot episode 'yun ng First Yaya, sabi ko, I'm very thankful sa kaniya, at ginagawa ko ang lahat, binibigay ko ang best ko dito sa First Yaya, para sa kaniya," sabi ni Sanya sa "Updated with Nelson Canlas."

Ayon kay Sanya, kasama rin si Marian sa tagumpay ng First Yaya dahil sa magandang pagtanggap ng viewers nang ipalabas ito noong nakaraang taon.

"Sabi ko, I mean, ayokong mapahiya sila na ako 'yung pinili nila. So gusto kong mapatunayan na kaya natin ito, at kasali ka roon Ms. Marian. So hindi ko alam kung nabasa niya," sabi ni Sanya.

Matatandaang si Marian ang unang napili na maging leading lady sa First Yaya na si Melody, ang yaya ng mga anak ng nabiyudong Philippine President na si Glenn Acosta, na ginagampanan ni Gabby Concepcion.

Mula sa pagiging yaya, mauuwi sa pag-iibigan ang relasyon nina Melody at President Acosta.

Gayunman, mabigat sa kalooban na umatras si Marian ang proyekto dahil hindi niya kayang iwan nang matagal ang mga anak sa lock-in taping.

"Sa totoo lang, binigay po siya sa akin. Nagulat lang din po ako," sabi ni Sanya.

"Ang pinakanagulat ako, 'Akala ko po si Ms. Marian?,'" pagtataka raw noon ni Sanya.

"Noong sinabi na ako na raw po ang gaganap bilang First Yaya, siyempre po thankful po talaga ako, nagulat din ako kung ano ang nangyari. But naiintindihan ko rin po ang sitwasyon ni Ms. Marian," anang aktres.

Dahil sa tagumpay ng "First Yaya," sinundan ito ngayon ng "First Lady," nang napangasawa na ni Melody si President Acosta. --FRJ, GMA News