Masaya si Thea Tolentino sa kaniyang tagumpay na makapagtapos ng pag-aaral habang nagtatrabaho sa showbiz. Ngayon, nais niyang maranasan din ang trabaho sa labas ng acting.

Sa ulat ni Rommel Gonzales sa PEP.ph, sinabing nakuha na ni Thea ang kaniyang graduation picture nitong Abril. Pero noong 2020 pa idinaos ang virtual graduation sa kaniyang pinasukang pamantasan.

Nang tanungin kung ano ang pakiramdam ng isang graduate, sabi ng aktres sa email interview, "Masarap sa pakiramdam dahil achievement siya para sa akin. Napagsabay ko ang dalawang bagay na importante sa akin. Nahirapan man ako sa schedule, pero worth it."

Ayon kay Thea, may pagkakataon noon na may taping siya na natatapos ng 6:00 am at didiretso na siya sa klase ng 7:30 am.

Nang i-post ni Thea ang kaniyang graduation photo, sinabi ng aktres na, "Ngayon ko lang na-feel na talagang graduate na ako."

Pinasalamatan din niya ang kaniyang "family, friends, schoolmates, and profs."

Kumuha si Thea ng kursong Business Administration major in Public Administration sa Trinity University in Asia.

Plano ng aktres na maranasan ang trabaho sa labas ng showbiz.

"Wala kasing fixed schedule ang taping so nahihirapan ako maghanap ng trabaho na papayag at kaya na pagsabayin ko ang pag-arte at pagtrabaho," sabi ng aktres. --For more showbiz news, visit PEP.ph