Nagluluksa si "Hipon Girl" Herlene Budol sa pagpanaw ng kaniyang lola na nakaratay sa ospital.

Sa Instagram post, ibinahagi ni Binibining Pilipinas candidate No. 8 ang malungkot na balita.

Nag-post siya ng larawan ng kaniyang lola na tinatawag niyang Nanay Bireng habang nasa ospital. Pumanaw siya noong Lunes ng umaga.

“Sa nakalipas [na] isang buwan, matapang siyang lumaban sa kidney failure at sakit due to [aging],” ani Herlene. “Marami na ring komplikasyon tulad ng high blood, [diabetes], at pneumonia.”

Sabi pa ni Herlene. “Ang pinaka masakit (ay) ang makita siyang nagdurusa sa mga huling oras na iyon. Napakahirap.”

Ibinahagi rin ni Herlene ang naging pangako sa kaniya ng kaniyang lola na dadalo ito sa Binibining Pilipinas 2022 pageant.

“Nanay ko, nangako ka kay [Sir Wilbert Tolentino] (na) makakapunta kayo ni Tatay Oreng sa Binibining Pilipinas Coronation Night ko,” saad niya.

Una nang nag-post si Herlene ng larawan ng kaniyang lola nang dalhin ito sa ospital. Humingi siya ng panalangin sa kaniyang mga kaibigan at tagasuporta para sa paggaling ni Nanay Bireng.

“Pilit kong [i-aahon] ang buhay ko para rin po sa kanila. Gusto ko rin makabawi at mabigyan at maranasan nila ang magandang buhay dahil sila ni Lolo, na kung tawagin [kong] Tatay Oreng ang nag-aruga sa akin ng [22] taon sa mundo,” sabi ni Herlene.

Dati nang ikinuwento ni Herlene na naghiwalay ang kaniyang mga magulang kaya lumaki siya sa pangangalaga ng kaniyang lolo't lola.

Nagpaabot ng pakikiramay kay Herlene ang kaniyang mga followers maging ang mga kapuwa celebrity tulad nina Binibining Pilipinas International 2021 Hannah Arnold, Arny Ross, at Faith Da Silva.— FRJ, GMA News