Magbabalik bilang kontrabida sa GMA's new action-adventure series na "Lolong" ang veteran actress na si Jean Garcia.

Gagampanan ni Jean ang role ni Dona Banzon, ina ni Martin Banzon (Paul Salas), at asawa ni Armando Banzon (Christopher De Leon).

"Si Dona ay isang character na matutuwa ka sometimes pero more on mabubuwisit ka," sabi ni Jean sa Lolong media conference nitong Lunes.

"Itong si Dona, lahat ng high meron siya. High pitch, high strung, over the top, overacting, loud siya, maingay siya pero sosyal," kuwento pa ng aktres.

Sinabi ni Jean, na iba ang karakter niya sa "Lolong," kumpara sa ibang kontrabida roles na kaniya nang nagawa sa nakaraang mga proyekto.

"Guguluhin niya lahat ng buhay lalo na 'pag ginugulo ang buhay ng asawa niya at anak niya, ganoon si Dona," sabi pa ni Jean.

Pangungunahan ni Ruru Madrid ang itinuturing biggest primetime action-adventure series na "Lolong." Kasama rin sina Shaira Diaz, Arra San Agustin, Rochelle Pangilinan, Malou de Guzman, Bembol Roco, Maui Tayloy, at marami pang iba.

Mapapanood ang "Lolong" simula sa July 4 sa GMA Telebabad. —FRJ, GMA News