Sulit para kay Ruru Madrid ang dalawang taon nilang paghahanda para sa mas pinaganda at mas pinalaki pa niyang action series na Lolong, na ipalalabas na sa Hulyo 4.

"Finally makikita niyo na po kung ano 'yung pinaghirapan namin. Ginawa namin ito para mas pagandahin ang programa na maihahandog namin sa mga manonood," sabi ni Ruru sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras.

Nagtungo rin si Ruru sa National Museum para makita mismo nang malapitan ang aktuwal na hitsura ng higanteng buwayang si Lolong.

"Nakita ko na po 'yung katawan ni Lolong, 'yung buto niya na nandu'n. Kumbaga somehow nakakakilabot eh. Kasi siyempre ito 'yung rason kung bakit kami may programa na ganito. Ito 'yung naging basehan namin para sa hitsura ni Dakila," anang Kapuso actor.

 

Dahil dito, hindi na makapaghintay si Ruru na ipakita ang ganda at laki ng naturang action series, na tiyak na pinaghusay nila ang paggawa.

"This coming July 4 na po. Grabe ang bilis ng panahon. Kailan lang pino-promote ko 'yung Lolong way back 2019. Kailan lang hinintay namin kung kailan ba magshu-shoot. Kailan lang shinu-shoot namin ito. And then ngayon ipalalabas na siya," ani Ruru.

Labis din ang galak ng Kapuso actor na nag-trending ang dalawang ipinalabas na plug para sa Lolong.

"Sobrang nakatutuwa na may mga taong nakakapansin ng bagay o itong proyekto na pinaghirapan namin," sabi niya. —Jamil Santos/LBG. GMA News