Ipinakita na nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo sa unang pagkakataon ang kanilang anak na si Baby Dylan.

Sa vlog ni Jennylyn, ibinahagi ng Kapuso couple na dapat sana'y magpapa-check up lang ang aktres, pero sa hindi inaasahang pagkakataon, handa na palang lumabas si Baby D.

"Supposedly it was Jen's last prenatal checkup. So when I checked, her cervix is open, so we cannot wait for the May 5 date anymore but has to proceed with the April 25 date," paliwanag ni Dr. Judy Ann Uy-De luna, na dalawang dekada nang OB-GYN ni Jennylyn.

"Check up lang dapat kami ngayon eh, bigla na lang kaming..." sabi ni Jen.

"Bigla na lang, ito na!" ani Dennis.

"Hindi kami ready!" dagdag ni Jen.

Matiyagang naghintay si Dennis habang isinisilang ni Jen si Baby D sa pamamagitan ng cesarean section.

Si Dennis mismo ang nagputol ng umbilical cord na kumukunekta kay Baby D at Jen.

"Nininerbiyos ako pero nagawa ko naman siya nang maayos. Agad kong ibinalita kay Jen kung gaano kaganda at kalusog ang anak namin," sabi ni Dennis.

Inilabas si Jen sa operating room ng bandang 2 a.m. kasama si Baby Dylan na nasulyapan na ang mukha sa unang pagkakataon.

Isinilang ni Jennylyn si Dylan noong Abril 25. —VBL, GMA News