Parehong babae ang mga anak na Kapuso stars na si Jennylyn Mercardo at Winwyn Marquez.

Nitong Linggo ng gabi, ibinahagi ni Jennylyn ang magandang balita tungkol sa first baby nila ni Dennis Trillo.

“Maraming salamat po sa lahat ng tumulong sa amin para mabuo ang nursery room ni Baby D. Watch na kayo mga bessies till the end. Surprise!" saad ng aktres sa caption sa kanilang YouTube vlog na “Nursery Tour.”

May petsang 4/25/22 sa pagtatapos ng video na kuha sa ospital.

“Check up lang dapat kami ngayon eh, bigla na lang kaming manganganak na raw. Hindi kami ready," sabi ni Jen.


Nitong nakaraang Oktubre nang ihayag nina Jennylyn at Dennis na engaged na sila at magkakaroon ng anak.

Tatlong linggo makalipas nito, nagpakasal na ang dalawa.

Samantala, nag-post din nitong Linggo ng larawan si Winwyn Marquez sa pagsilang niya sa kaniyang first baby na si 'little princess' Luna Teresita Rayn

"Our little princess, Luna Teresita Rayn," sabi ni Winwyn sa caption ng larawan.

 

 

Noong nakaraang Disyembre, inihayag ni Winwyn ang kaniyang pagbubuntis sa kaniyang non-showbiz partner. —FRJ, GMA News