Umabot na sa mahigit 1.7 milyong views ang full trailer ng inaabangang GMA action-adventure series na "Lolong," na pagbibidahan ni Ruru Madrid.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing tatlong taon ang ginugol para gawin ang "Lolong."

Sa full trailer, ipinakita ang ilan sa mga drama, action at nakakakilig na tagpo sa serye.

Pinusuan din ng netizens ang animatronics ng dambuhalang buwaya na si "Dakila."

Halos kasabay ng release ng trailer ang release rin ng music video ng "Lolong," na tampok ang 90s ballad na "214" na hit ng Rivermaya, na inawit ngayon ni The Clash season 2 Grand Champion Jeremiah Tiangco.

"Goosebumps. Una kong naramdaman is goosebumps. Kasi una, makita sila Mr. Christopher de Leon, sila Ms. Jean Garcia, alam mo 'yun, mga nilu-look up ko, pinanonood ko lang dati tapos ngayon ako ngayon ang kakanta para sa kanila," sabi ni Jeremiah.

Mapapanood na simula Hulyo 4 ang "Lolong" pagkatapos ng GMA News "24 Oras."--Jamil Santos/FRJ, GMA News