Umani ng mga positibong komento mula sa viewers at netizens ang full trailer ng action packed adventure series na 'Lolong,' na pagbibidahan ni Ruru Madrid.

Nitong Lunes, ipinakita ang naturang full trailer pagkatapos ng GMA News "24 Oras," at ipinalabas din sa iba pang digital platform ng GMA.

Hitik sa aksiyon na may kasamang love story, bukod pa sa misteryo, ang trailer tungkol sa katauhan ng karakter ni Ruru na si Lolong, na may taglay na kapangyarihan, at kaibigang dambuhalang buwaya.

"Ang astig. Ginalingan masyado. Pati 'yung effects pang malakasan," sabi ng isang nagkomento.

"Lit, kudos sa 'Lolong' production team. Ang galing," ayon naman sa isa pa.

"Ang galing ni Ruru, super ganda ng trailer," pahayag ng isa pang nagkomento.

Ang "Lolong " ay mula sa ideya nina Ms. Jessica Soho at Lee Joseph Castel, na istorya ng mga nasa kapangyarihan at gagamitin ang takot ng mga tao sa buwaya para sarili nilang kapakanan.

Kasama rin sa cast ng "Lolong" sina Shaira Diaz, Jean Garcia, Arra San Agustin, Malou de Guzman, Rochelle Pangilinan, Bembol Roco, Maui Tayloy, at marami pang iba pa.

Mapapanood sa GMA Telebabad ang "Lolong" simula sa July 4. —FRJ, GMA News