Inihayag ng aktres na si Andrea Del Rosario ang kaniyang paghanga sa real-life couple na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos, na kaniyang mga nakatrabaho sa "Love You Stranger."

"Nakita niyo naman sila, relationship goals. They're very, very inspiring, that couple, because hindi lang sila magagaling na mga artista, they're very nice and easy to work with," saad ni Andrea sa At Home with GMA Regional TV.

Bukod dito, nakita rin ni Andrea ang pagiging "entrepreneurial" nina Gabbi at Khalil.

Nauna nang inilahad ni Gabbi na magtatayo siya ng kaniyang franchise ngayong taon sa Molito sa Alabang.

Bagama't hindi muna nagbigay ng detalye, gustong gusto raw ni Gabbi ang kaniyang negosyong itatayo dahil siya mismo ay gumagamit ng mga produkto nito.

Si Khalil naman, itinayo ang kaniyang production company na "Limitless Productions" na tungkol sa audio-visual communication at content conceptualization.

"So overall, I could see that malayo talaga 'yung mararating nila," sabi ni Andrea tungkol sa Kapuso couple.

Kaya naman hiling ni Andrea, hindi ito ang magiging huling beses na makakatrabaho niya sina Gabbi at Khalil.

"I wish them all the best. And hopefully, that this won't be my last time to work with them, because they're amazing," anang aktres.

Ang Love You Stranger ay napapanood sa GMA Telebabad.--FRJ, GMA News