Nagtamo ng mga sugat ang isang 18-anyos na lalaki matapos siyang saksakin ng lalaking sinubukang nakawin ang kaniyang cellphone sa Barangay 21, Caloocan. Ang suspek na arestado, kabarangay ng biktima.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing kagagaling lang umano ng biktima sa gym kasama ang kaniyang kaibigan nang mangyari ang insidente nakaraang Sabado ng gabi.
Batay sa pulisya, nakasalubong ng biktima at ng kaniyang kaibigan ang suspek sa madilim na parte ng C3.
Hanggang sa sinubukan umano ng suspek na kunin ang cellphone ng magkaibigan. Ngunit nabigo ito kaya pinagsasaksak na niya ang biktima.
“Nagtanong ‘yung suspek sa kanila kung ano ang ginagawa nila roon. In-ignore ng dalawa, kaya nagalit itong suspek,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Joebie Astucia, chief ng NPD - Special Operations Unit.
Nagawa pang makauwi ng biktima sa kanilang bahay bago siya nadala sa ospital.
Natunton ng mga awtoridad ang suspek sa Barangay 21 rin madaling araw nitong Linggo, kung saan narekober sa kaniya ang ginamit na kutsilyo sa krimen.
Patuloy na inoobserbahan sa ospital ng biktima, na nagtamo ng mga saksak sa kamay at tagiliran.
“Wala pong patawad at wala pong pasensya na tinatanggap 'yung pamilya namin sa ginawa niya sa kapatid ko,” sabi ng galit na 23-anyos na si alyas “Jacky” sa sinapit ng kaniyang kapatid.
“May mga sinasabi po 'yung doktor na kailangan pa pong procedure na gawin sa kapatid ko in case na hindi po siya makadumi nang maayos po... Kinakatakot po namin na baka po balikan po 'yung pamilya namin, baka puntahan kami or saktan pa po 'yung pamilya namin,” dagdag niya.
Nakapiit na sa Caloocan City Police Station ang suspek na mahaharap sa reklamong attempted robbery at frustrated homicide.
Sinusubukan pa siyang hingian ng GMA News ng kaniyang panig. – Jamil Santos/FRJ GMA News
