Matapos ang matagal na panahon dahil sa COVID-19 pandemic, muli nang nakasabak sa face to face interview sa studio ng GMA Regional TV Live ang male cast members ng inaabangang Kapuso series na "Start-Up PH" sa pangunguna ni Alden Richards.

Kasama ni Alden sa studio sa Cebu sina Jeric Gonzales, Boy 2 Quizon at Royce Cabrera.

Kuwento ni Alden tungkol sa kaniyang role bilang si Tristan, siya ang magsisilbing "basher" o kritiko ng kaniyang mga katrabaho.

"Ako rito si Tristan Hernandez. Ako ang magiging 'basher' nila," saad ni Alden. "Si Tristan kasi lagi siyang nami-misinterpret. He means well, pero iba 'yung dating sa mga taong kinakausap at pinakikibagayan niya."

Ipinakilala na rin nina Jeric, Boy 2 at Royce ang mga gagampanan nilang role sa Philippine adaptation ng naturang hit Korean series.

Si Jeric ang gaganap bilang si Davidson Navarro, isang aspiring businessman at engineer na naghahangad gumawa ng makabagong teknolohiya.

Gaganap naman si Boy2 bilang si Wilson Espiritu, at si Royce bilang si Jefferson Katipunan.

"Kami 'yung bubuo ng kumpanya na para sa ikauunlad ng ekonomiya," biro ni Royce.

Ayon kay Boy 2, makakasama rin nila sina Kim Domingo, NiƱo Muhlach at Yasmien Kurdi. --FRJ, GMA News