Makaraang aminin kamakailan na may pinagdadaanan siyang "personal stuff," naging emosyonal naman at naiyak si Heart Evangelista habang nasa isang photo shoot sa Paris.

Sa isang video na ibinahagi niya sa Instagram stories, may nakasaad dito na, "It was a moment," bilang caption.

Maririnig din ang mahinang pagtawa ng kaniyang staff at kinalauna'y nakitawa na rin si Heart.

Sa sumunod na post niya sa Stories, makikitang masaya na si Heart at nagagawa na ring magbiro.

"Napapagod na ko sa bigat ng alahas," biro niya habang ipinapakita ang suot niyang bracelet.

Hindi ipinaliwanag ni Heart kung ano ang nagpaiyak sa kaniya sa photo shoot.

Pero bago nito, ibinahagi ng aktres sa isang vlog na may pinagdaraanan siyang "personal stuff." --FRJ, GMA News