Nagsisilbi ngayong ligaya ng pamilya Marquez ang baby girl ni Winwyn Marquez na si Baby Luna. Kahit mahirap ang pag-aalaga, sinabi ng aktres na masaya siya.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing enjoy si Winwyn sa bago niyang tungkulin bilang ina kay Baby Luna.

Hands on si Winwyn sa pag-aalaga sa kaniyang apat na buwang gulang na anak, at hindi makikita sa kaniya ang pagod at puyat.

"Nawawala talaga 'yung pagod kapag nakikita mong healthy 'yung baby tapos tumatawa siya," sabi ni Winwyn.

 

 

Ayon pa sa Kapuso star, naging mahirap din sa kaniya sa simula ang mag-breastfeed.

"First few weeks talagang hirap na hirap ako kasi ang sakit, siyempre nag-breastfeed din ako, ang sakit," saad niya. "'Yung pinaka-postpartum ko na ayaw kong mahiwalay sa baby ko kahit hirap na hirap na ako, like masakit na 'yung katawan. 'Pag nahiwalay ako sa kaniya, nagi-guilty ako."

Madalas din umanong hinahanap-hanap ng kaniyang ama na si Joey at inang si Alma Moreno si Baby Luna.

"Kasi nga girl, so na-e-excite siyang bihisan. Minsan siyempre hindi kami agad-agad makakapunta sa lolo't lola niya, magda-drama sila. Nakakatawa, Very attached sila kay Luna lalo na si daddy," kuwento ni Winwyn.--Jamil Santos/FRJ, GMA News